Paano magkakabisa ang ‘Last Will & Testament’?

vuukle comment

Nagsulat po ng Last Will & Testament ang nanay ko at pina-certify niya na raw po ito sa abogado. Tanong ko lang po kung wala na ba kaming ibang kaila­ngang gawin at sapat na po ba ang ginawang pagpapa-certify sa abogado para magkaroon ng bisa ang Last Will ng nanay ko?

Hindi nagkakabisa ang isang Last Will & Testament sa pamamagitan ng certification ng isang abogado. Ang kasulatan na ginawa ng nanay mo ay maaring isang notarial will kung saan may mga saksi sa paggawa nito at ipina-notaryo ito. Maari rin na isa pala itong Holographic Will kung ang buong dokumento ay nasa sulat kamay ng iyong ina.

Gayunpaman, bagama’t may iba’t ibang requirements na itinatakda ang batas base sa klase ng kasulatang iniwan ng yumao ay pareho pa rin silang kailangang dumaan sa husgado at sumailalim sa tinatawag na probate proceeding kung saan susuriin ng korte kung sumunod ba sa requirements ng batas ang Last Will & Testament.

Kaya hindi sapat ang sinabi ng nanay mo na “certification” na galing sa abogado upang masabing valid ang ginawa niyang Last Will. Sa katunayan ay wala namang sinasabi ang batas ukol sa requirement na certification mula sa abogado para sa mga Last Will. Kahit pa notarization pala ang tinutukoy ng nanay mo sa sinasabi niyang ‘‘certification’’ ay kaka­ilanganin niyo pa rin pumunta sa korte at isailalim sa isang probate proceeding ang Last Will upang mabigyan ng bisa ang mga nakasaad sa nasabing kasulatan.